OFWs Love and Life Stories

She left a month after I worked in abroad


"Noong una sabi ko ay hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko. Akala ko noon ay walang ng saysay ang buhay ng iwan ako ng babaeng minahal ko ng sobra."

Taong 2015 ng nakilala ko si Kimberly sa aking pinapasukang kumpanya sa Laguna Techno Park. Noong una ay naging mahiyain pa ako sa aking nararamdaman sa kanya. Pero dahil sa tulong ng aking mga katrabaho ay naipaabot ko ang aking pagmamahal sa kanya.Naging madalas ang paglabas ng aming grupo upang mag-inuman at noon rin ay naging madalas ang payaya namin sa mga barkada ni Kimberly. Bagay na nagpadali sa aking pangarap na maging kasintahan ko siya. Halos wala pang isang buwan ng mapasagot ko si Kimberly.

Naging madalas ang labas ni Kimberly, kain doon at lakad dito, yan ang naging sistema naming dalawa simula ng naging kami. Makalipas ang ilang buwan ay niyaya ko si Kimberly na tumira na ito sa aking apartment, total nangungupahan lang din naman siya, agad ko namang napapayag siya sa mga plano ko. Mabait si Kimberly at tubong Cagayan sa Mindanao na napadpad sa Laguna upang mamasukan bilang isang factory worker.

Siya nga pala bago pa humaba ang aking kwento ay nais kong ipakilala ko ang aking sarili. Ako nga pala si Emong, tubong Mindoro. Parehas kami ng kapalaran ng kasintahan kong si Kimberly napadpad sa Laguna upang mamasukan. Matanda ako ng limang taon kay Kimberly kaya naman sa tuwing mag-aaway kami ay ako ang palaging sumusuyo. Minahal ko ng sobra si Kimberly, sa aming apartment ay ako ang naglalaba ng aming mga damit at kahit galing pa ako sa trabaho ay ako rin ang namamalengke at magluluto ng aming makakain.

Sa trabaho naman ay madalas akong tuksuhin ng aking mga katrabaho, paano ko daw napasagot si Kimberly sa itsura kong maitim, hindi rin masasabing gwapo.

"Nasa performance lang yan mga pre" pabirong sagot ko sa kanila.

Taong 2018 ay nagdesisyon akong mangibang bansa dahil sa kakarampot kong sahod ay kulang pa sa pagkain at pambayad ng upa namin ni Kimberly. Hirap na rin ako noon dahil walang trabaho si Kimberly dahil minabuti ko nalang na patigilin ito at sa bahay dahil sa pangarap ko na magkaroon kami ng baby. Ngunit halos tatlong taon na kaming nagsasama ay hindi pa kami nabiyayaan.

Napapayag ko si Kimberly sa aking pag-abroad upang mabago naman ang buhay namin at upang makapundar kami ng aming bahay at negosyo.

Sa unang buwan ko pa lamang sa Taiwan ay naging mahirap na ang aming sitwasyon ni Kimberly,marahil ay hindi kami sanay na malayo sa isat-isa. At hindi rin sanay si Kimberly na walang nag-aalga sa kanya, dahil sanay siya na ako nagluluto at naglalaba ng mga damit namin

Sa sobra kong pag-alaga sa kanya ay hinanap hanap ito ni Kimberly, Ilang buwan palang ang nakalilipas mula ng umalis ako ng Pilipinas ay gusto na akong pabalikin ni Kimberly dahil sobrang miss na daw niya ako at hindi niya kayang malayo sa akin. At nagbanta pa ito sa akin kung hindi agad ako uuwi ay hahanap siya ng ibang lalaki.

Akala ko noon ay biro lang ito ng live-in partner ko. At isa pa pinaliwanag ko sa kanya na hindi ako pwedeng umuwi dahil kasisimula ko palang at may kontrata ako, dahil kong mag-break contract ako ay magbabayad ako ng malaki sa kumpanya. Kaya hindi talaga pwedeng umuwi. Naging madalas ang aming pag-aaway ni Kimberly, at mag-apat na buwan ng mabalitaan ko nalang sa aking kaibigan na si Kimberly at ang dati naming katrabahong si James ay madalas makita nilang lumalabas at kung minsan ay nakikita nila sa aming apartment na inuupahan. Kaagad kong kinompronta si Kimberly sa mga bagay na iyon. Hindi naman niya itinanggi ang nakita ng aking mga kaibigan. Sobrang sama ng loob ko at halos mabaliw na ako sa Taiwan dahil nagbago na ang pinakamamahal kong babae. Halos nasayang lang ang tatlong taon naming pagsasama.

Lumipas pa ang mga araw ay halos hindi ko makayanan ang sakit na nararamdaman ko. Naging lasingero ako at matamlay sa trabaho. at Madalas naman ay umiiyak at iniisip ang masasayang nangyari sa amin ni Kimberly.

At dahil sa payo ng aking mga kaibigan na huwag na itong balikan dahil marami naman daw babae sa Taiwan at sigurado ay makakahanap naman daw ako ng mas deserving para sa akin. Marahil daw ay hindi talaga kami para sa isat-isa.

Sa ngayon ay nandito pa rin ako sa Taiwan ay pilit kinakalimutan ang ang masaklap na nakaraan. Hanggang dito nalang po ang kwento ng aking buhay pag-big.

Lubos na gumagalang,
Emong
Share:

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Labels