OFWs Love and Life Stories

My OFW husband has cheated me and my father-in-law has kicked us out of our house


"Minsan na kaming naghiwalay at parehas nagkasala ngunit kung kayo talaga ang itinadhana ay wala ka nang magagawa."

Isa po akong guro na nakadistino dito sa Metro Manila. At nasa Senior High School ang aking tinuturuan. Taong 2010 ng umalis ang aking asawa papuntang Jeddah upang makipagsapalaran dahil hindi na kinakaya ng sahod ko bilang isang public teacher. Sa dami rin ng loan ko dahil nagpatayo kami ng bahay sa bakanteng lupa ng mga magulang ng aking asawa. Marami rin ako naging utang dahil sa mga gamit namin sa bahay, kaya naman halos walang matirang pera tuwing sahod ko. Kaya nagdesisyon na ang aking asawa na makipagsapalaran sa abroad.

Umalis ang asawa ko taong 2008 at naiwan sa akin ang dalawa naming anak. Mahirap ang naging kalagayan ko kaya naman napilitan akong kunin ang aking mga magulang sa probinsya upang mag-alaga ng aming mga anak. Agad naman pumayag ang aking mga magulang, silang ay tumira sa bahay kasama ang aming bunsong kapatid.

Naging mahirap ang mga sumunod na buwan sa akin dahil hindi naman ganun daw kalaki ang sinasahod ng aking asawa sa Jeddah sa pagiging crew ng isang restaurant. Sabi niya walang daw overtime at sila pa ang nabili ng kanilang mga kailangan at pagkain, kaya ganun nalang daw ang natitira sa kanyang sahod. Malaki na daw ang 15,000 sa peso ang nalilinis niya kaya naman hindi rin kalakihan ang pinapadala niya sa amin.

Lumipas pa ang mga buwan ay lalong lumiit pa ang padala sa amin. Kaya nagkaroon na ako ng hinala sa aking asawa. Binuksan ko ang kanyang facebook account na dati ay hindi ko binubuksan dahil malaki naman ang tiwala ko dito. Umagaw sa aking atensyon ang isang message ng babae at ng buksan ko ay marami akong nabasang mga sweet messages. Binuksan ko pa ang profile ng babaeng iyon at kung hindi ako nagkakamali ang kababata niya ito sa kabilang kalye dito sa amin. Para akong nawala sa sarili sa mga sandaling iyon, at tanging galit at luha ang naramdaman ko sa mga sandaling iyon.

Kaagad ko tinawagan si Robert at kinomfronta sa lahat ng nabasa ko. Inamin nga niya na nandoon ang babae sa Jeddah ngunit text lang daw iyon at ni minsan ay hindi pa sila nagkikita. Galit na galit ako noon kay Robert sa lahat ng ginawa niya sa akin. Pinost ko pa ito sa facebook upang makita ng lahat ang kanilang ginagawa ng babaeng iyon. Hanggang sa naka-block na ako sa dalawang iyon.

Lumipas pa ang ilang buwan ay hindi ko na nakausap si Robert. Makalipas ang isang taon ay patuloy akong nagsikap magturo sa paaralan at kunwari'y walang nangyari. Ngunit hindi talaga ako matahimik sa ginawa ng asawa ko sa akin. Lalo pa nabalitaan ko na dumating na pala ito sa Pilipinas kasama ang babae at doon tumira sa kabilang kalye kasama ang kanyang kabit. Ang masama pa eh, nabalitaan ko na limang buwan ng buntis ang kanyang kabit.

Sinugod ko ito sa kanilang tinitirahan, ngunit wala akong napala sa aking pagsugod. Pinayuhan nalang ako ng mga magulang ko na layuan na siya at magtrabaho nalang ako para sa mga bata. Sinunod ko ang mga payo ng aking mga magulang subalit andun pa rin ang poot na aking nararamdaman. Kaya naman para makaganti ako sa aking asawa ay nagpaligaw ako sa isang pulis. Opo isang pulis, matagal na rin itong nagpaparamdam sa akin. Siya si Edward na nakadistino sa harap ng aming paaralan na umaalalay sa mga bata tuwing pasukan at uwian. Kaya naman hindi na ako nagpakipot pa. Naging madalas ang aming paglabas ni Edward hanggang makalipas ang ilang buwan ay nagbunga ang aming pagmamahalan. Lubhang nakonsyensa ako sa aking sarili sapagkat meron akong dalawang anak at si Edward ay meron din asawa at isang anak.

Ipinagtapat ko kay Edward ang lahat lalo na ang dinadala kong sanggol, natuwa naman ito sa aking balita sa kanya. Napagpasyahan namin na sikretong umupa ng bahay malapit sa paaralan. At isa pa alam na alam na ni Edward ang aking sitwasyon sa buhay.

Hindi naglaon ay malaki na ang aking tiyan at ganun nalang ang galit at lungkot na naramdaman ng aking mga magulang. At hindi lang yun, nalaman ng mga magulang at kamag-anak ni Robert ang nangyari sa akin kaya naman hindi sila nag-atubiling palayasin kami sa aming sariling bahay. Wala kami magawa ng mga magulang ko at mga anak dahil ang kinatitirikan ng aming bahay ay pagmamay-ari ng magulang ni Robert.

Napilitan akong hanapan ng mauupahan ang aking mga magulang at anak. Opo napilitan ko silang ilikas dahil pwersahan na kaming pinapaalis doon. Lalong bumigat at gumulo ang sitwasyon ko.

Madalas na ang aming away noon ni Edward lalo na ng nalaman na ng asawa niya ang ginawa naming kasalana at minsan na ako sinugod ng kanyang asawa sa paarlan. Kaya naman nagdesisyon na akong hiwalayan si Edward. Mula noon hanggang nanganak ako ay hindi na nagparamdam si Edward kaya naman ang bigat ng aking mga suliranin ng mga panahong iyon.

Kinausap ako ng aking kuya na kung pwede ay ipaampon nalang sa kanila ang anak namin ni Edward total wala naman silang anak at isa pa ay maalagaan nila ito ng maayos. Kaya naman pumayag na ako sa ganung usapan.

Bumalik na ako sa piling ng aking mga magulang kasama ng aking dalawang anak sa maliit na apartment na aming inupahan. Naging masaya naman kami at lalo pang tumibay ang aming pananlig sa diyos.

Lumipas ang ilang buwan ay naging madalas ang pagdalaw ni Robert sa aming apartment dahil sa madalas niyang dinadalaw ang dalawa naming anak. Hanggang sa unti-unting na kaming mag-usap at hindi lumaon ay natutulog na rin ito sa apartment namin bagay na hindi namin maiwasan may mangyari sa amin. Sa mga paminsan minsan naming pagsasama ni Robert ay nagbunga ito. Nabuntis po ulit ako ng aking asawa ngunit sa pagkakataong ito ay umuuwi pa rin siya sa kanyang kabit. Kaya naman kinausap ko na siya na kung pwede ay dumito nalang sa aming bahay at buuhin na namin ang aming pamilya. Naging manhid ito sa aking paki-usap kaya naman muli ko siyang pinagsarahan ng aming tahanan. Hindi ko na pinabibisita sir Robert hanggang sa manganak muli ako. Hindi niya nakita ang aming anak simula ng pinalayas ko na ito.

Makalipas ang isang taon ay muli kong nakita ang anino ng aking asawa sa harap ng aming inuupahang bahay. Sa pagkakataong ito ay kita ko sa kanyang katawan ang kapayatan at tila napabayaan ang sarili. Noong una ay nag-atubili pa akong papasukin ito ngunit naawa naman ako sa kanyang sarili kaya minarapat ko nang papasukin siya. At doon ay humaguhol ito na parang bata, umiiyak na ikinuwento ang pag-iwan sa kanya ng kanyang kabit. Ilang buwan na daw ang nakalilipas ay sumama ito sa isang matandang may pera at tangay ang kanilang anak. Kaya mula noon ay umuwi daw siya sa kanyang mga magulang at puro inom nalang ang inatupag. At isang araw ay pinangaralan daw siya ng kanyang magulang at napag-isipisip daw niyang subukang balikan ang minsan niyang nawasak na pamilya. Pumunta daw siya para muling buohin ang nasira naming pamilya. Hindi ko alam ang mararamdaman ko sa mga sandaling iyon ngunit kita ko sa mga mata ni Robert ang sinsiridad. Sinubukan kong tanggapin muli ang kanyang paki-usap na buohin ang aming pamilya.

Sa pagkakataong ito ay nakita ko na ang dating Robert na una kong nakilala, naging responsable na ito sa kanyang mga anak at naging maalaga na rin sa akin. Sa ngayon ay nakabalik na kami sa aming bahay, bahay na naipundar naming mag-asawa noong nagsisimula palang kami. Pinabalik na kami ng kanyang magulang at nagkaayos na rin kaming lahat. Sa ngayon ay nakabukod na rin ang mga magulang sa inupahan naming apartment. At kami naman ni Robert ay masaya at mananatiling matatag sa mga darating pang pagsubok sa aming buhay at pamilya.

Nawa'y kapulutan ng aral ang aming kwento.
Share:

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Labels