Foods and Travel Guide

I've lost my wife



"Lalaban ka pa ba kung ang kapalaran na mismo ang nais magpadapa sa buhay mo?"

Tawagin niyo nalang po ako sa pangalang Louie isang factory worker sa South Korea. Nasa ika-siyam ko ng taon dito sa ibang bansa at patuloy na lumalaban para sa kinabukasan ng aking pamilya. Meron po akong tatlong anak at ang asawa ko na fulltime mom sa aming mga anak. At dahil matagal na ako sa pagiging abroad ay meron na rin kaming naipundar na bahay at konting kabuhayan, kaya naman nakakaluwang na kami ng konti kahit papaano.

Bilang factory worker sa South Korea ay naging aktibo ako sa simbahan. Hinihimok ang mga kapwa ko OFW na makinig sa mga magagandang balita ng panginoon. Pagpapalakas ng kanilang damdamin sa oras ng kalungkutan. At pagpapaalala sa kanila na meron tayong Diyos na masasandalan at nariyan lang siya nagaantay sa atin na handang yumakap at makiramay.

Lumipas ang maraming taon ay hindi ko namamalayan na matagal na pala ako sa pangingibang bayan. Magka ganun pa man ay bawat taon ay nauwi ako sa aking pamilya sa Pilipinas. At nung huling bakasyon ko ay napansin ko sa aking asawa na ito'y namayat kaya inusisa ko siya kung bakit ganun nalang ang laki ng kanyang pagpayat. Ngunit sabi niya baka nasobrahan lang siya sa trabaho sa bahay. Isang gabi ay biglang namilipit sa sakit ang aking asawa na halos maiyak na ito sa sakit. Kaagad ko naman itinakbo ang aking asawa sa malapit na pagamotan at doon lumabas ang resulta na ang aking asawa ay may stage 3 cancer of the ovary. Para ako pinagbagsakan ng langit at lupa sa aking mga narining mula sa doktor. At tila ba marami ako naging katanungan sa poong maykapal at halos isumbat ko lahat sa kanya. Sobra ako naawa sa aking asawa at iniisip ko kung paano na kung kukunin siya ng panginoon sa amin, paano na ang mga anak ko.

Nagising nalang ako ng umaga na hinahaplos ang aking ulo ng aking asawa, nakatulog pala ako sa gilid ng kanyang kama sa ospital sa kaiiyak. Agad ko namang tinanong ang aking asawa kung kelan pa niya nararamdaman ang gaung sakit, aniya matagal na itong nararamdaman ngunit hindi nalang niya ito pinapansan hanggang naging madalas na. At ayaw rin niya ako mag-alala sa ibang bansa kaya minarapat nalang niya ito itago sa sarili.

Lumipas ang ilang Linggo ay kinailangan kong bumalik sa South Korea dahil mas higit kailangan namin ngayon ng pera para sa gamutan ng aking asawa. Kinuha ko naman ang aking inay sa probinsya upang maging bantay sa aking mga anak habang sumasailalim sa gamutan si Cheska.

Doble kayod ako sa aking trabaho at lahat ng overtime ay pinapasukan ko parang lang may ipangtustus ako para chemotherapy ng aking asawa at mga panggastos na rin ng mga bata. At nakuha ko rin mag-sideline ng trabaho sa ibang mga family business upang sa gayon ay makadagdag iyon sa kakailanganin kong pera.

Lumipas ang ilang buwan ay tumawag ang nanay sa akin aniya ay itinakbo nila ulit si Cheska sa ospital at ayon sa aking inay ay base sa resulta ay nasa stage 4 na ang cancer ng aking asawa. Muling bumalong ang luha sa aking mga mata sinisisi ko ang panginoon sa mga pinagdadaanan ko ngayon tila ba pinabayaan niya ako sa kabila ng aking pagsisilbi sa kanya. At tila ba ang lahat ng mga turo ko sa aking kapwa OFW na ay kabalintunaan at mahirap sundin sa aking sarili. Mahirap pala kapag ikaw na mismo ang nasa sitwasyon na ito, ramdam mo ang sakit na halos tagos sa buto.

Humingi na ako ng tulong sa OWWA hinggil sa kalagayan ng aking asawa at kinapalan ko na rin ang aking mukha sa simbahan na aking kinabibilangan upang makalikom ng pera para sa gamutan ng aking asawa dahil ang sahod ko ay hindi sasapat sa gastusin.

Marami naman tumulong sa amin mag-asawa at kahit papaano ay nabawasan ang pasanin na nararamdaman ko.

Isang araw habang ako ay nasa trabaho ay tinawag ako ng aking Supervisor at meron daw akong tawag mula sa Pilipinas. Agad ko naman nakausap ang nasa kabilang linya, si Inay pala.

"Inay bakit po kayo dito tumawag sa kumpanya? tanong ko sa kanya.

"Anak," umiiyak na sambit ng aking inay.

"Anak, iniwan na tayo ni Cheska," parang nabingi ako sa mga sinabi ni Inay ng mga sandaling iyon. Wala akong magawa sa mga oras na iyon kundi humagulhol nalang sa iyak.

Makalipas ang ilang araw ay umuwi ako ng Pilipinas upang asikasuhin ang lahat. At pagkatapos na maihatid si Cheska sa huling hantungan ay inihabilin ko naman kay inay ang aking mga anak. Sa ngayon ay nakabalik na ako sa South Korea at pilit bumabangon araw-araw at nagpapakatatag para sa aking mga anak. Hanggang dito nalang po ang aking kwento.

Maraming salamat po

Nagmamahal
Louie

Share:

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Labels